Wednesday, November 24, 2010

Tabi tabi po, Usapang Relihiyon lamang.

Kung ang pagiging makasalanan ang pumipigil sa daloy ng biyaya, hindi ba matamang tingnan mo muna ang iyong sarili bago ibaling sa iba ang sisi?

Madaling araw na ako nakatulog. Pinipilit ko kasing pigain ang utak ko ng lumabas ang mga hinihintay kong ideya na magpapaganda sa isinusulat kong sanaysay. Sanaysay, hindi salaysay. Salaysay, ang nakakabinging salita at nakakawindang na papel na ginagawa namin kapag hindi namin nagagampanan ang aming tungkulin. Ang salaysay, na kinatatakutan ng marami sa amin.

Madaling araw na din akong nagising. Ensayo ko kasi sa pagka-mang-aawit sa aming kapilya. Kahit mahirap, pinipilit kong magampanan ang tawag ng aking tungkulin. Doon kami kilala, sa pagiging matiisin at matyaga sa mga gampanin sa aming relihiyon. Malamang sa marami na nakakakilala sa akin, alam nila ang aking kinabibilangan. Ngunit hindi ko ito ginagawa upang tuligsain ang kahit na sinoman o ang aming relihiyon mismo. Nais ko lamang sanang ipahayag ang damdamin na nakakubli habang hawak ko ang aking “clear book” kanina sa ensayo.

Ritwal na siguro ang makarinig ng pangaral at tagubilin mula sa mga nakatataas sa amin tuwing bago magsimula ang ensayo. Mga paalala na kailangan namin upang masubaybayan ang kanilang nasasakupan. Tanggap ko na isa na ako don, sa mga “pasaway” na nagdudulot ng sakit ng ulo sa aming mga pangulo tuwing sila’y napupuna sa gawain ng kanilang mga sakop na mag-aawit. Ngunit kung mabibigyan lang kami ng pagkakataon na magpaliwanang para sa mga pasaway na kagaya ko, siguro maiiwasan ang hind pagkakaintindihan at samaan ng loob. Nga lang, ang madalas ay nakatikom ang aming bibig at ipinagkikibit balikat na lamang ang madalas at mapait na panghuhusga.

Naniniwala kasi ako na walang tao ang masama. Nakalalabag man sila sa utos ng Diyos, siguradong may dahilan. Dahilan na dadaanan ang kanilang personal na buhay, mga ideya at problema na hindi maiintindihan ng tao kung hindi sila tatanungin. Naalala ko nga, minsan akong nasabihan na sinungaling tuwing nagdadahilan sa aking madalas na pagliban sa pagtupad. Nasaktan ako dun. Kailan ma’y hindi ko gagawan ng kwento ang aking hindi pagtupad. Ngunit ng mga pagkakataong iyon, mas pinili kong ngitian na lamang ang aming pangulo at umalis ng mapayapa. Iniisp ko na lamang na pagmamahal na lamang niya yon na gisingin at paalalahanan ako sa aking nakakaligtaang responsibilidad kahit na pa sabihin kong may dahilan ang aking pagliban. Sa kabilang banda, tao lang din naman sila.

Natuwa ako. Na nagpadala ang Ama ng isang tagapag-turo na magbibigay solusyon sa aming mga problema sa pag-awit. Ngunit ang mismong taong ito, hindi rin nakaligtas sa bulok na sistema ng pagtanggap sa bagong kapanalig ng aming grupo. Ramdam naming mga naka-upo sa koro na may kung anong mabigat na kalooban ang bumabalot mula sa aming mga taga-panguna. Dahil ba sila’y nahaluan ng panibagong tao na makakahati nila sa kapangyarihang mamahala sa amin? Huwag naman sana. Maging siya ay hindi nakaligtas sa mapang-husgang mata ng mga nagmamasid. Pinagtatawanan maging ng mga kapwa niya mang-aawit. Nasaan na ang respeto, paggalang at mainit na pagtanggap na pinakapundamento ng isang taong nasa tamang pag-uugali. Ang dapat na manalig na pagmamahalan sa magkakapatid ay tila ba mailap nang mga pagkakataong iyon. Nalungkot ako.

Natapos ang ensayo na mabigat ang aking kalooban. Nakita ko na lamang ang nakaka-awang bagong kapanalig na naglalakad mag-isa sa daan, na walang sinuman ang naglakas ng loob kausapin siya at kaibiganin. Maging ako.

Naalala ko tuloy sa aking paglabas sa kapilya ang aral na binanggit sa amin ng aming destinado. Na ang kasalanan ang nagpapabigat sa aming mga pagtupad. Na hindi maakay sa matamang pag-awit ang mga sumasamba dahil kami mismo ay may problema. Kami daw kasi ang unang daluyan ng biyaya dahil sa aming mga pag-awit. Kaya dapat, kami din ang magsilbing modelo sa mga sumasambang kapatid. Kung ang pagiging makasalanan ang pumipigil sa daloy ng biyaya, hindi ba matamang tingnan muna ng aming mga taga-panguna ang kanilang relasyon sa bawat isa, na dapat ay “harmonious” at masaya kung baga bago kami mapagsabihan at mapamukhaan na para bang kami na ang pinakamakasalanan?

Hindi naman ako nagrerebelde. Naisip ko lamang ang mga ito. Dahil pagkatapos kong ilabas ang mga ito, naalala ko naman ang sinabi ng aking ina. Diyos ang sinasamba mo, hindi tao para tingnan ang kanila ding mga pagkakamali. Kung sila lamang ang pagbabasehan mo ng iyong paniniwala, walang patutunguhan ang paghahanap mo ng kapayapaan.”

No comments:

Post a Comment